First published in Tulay Monthly, Chinese-Filipino Digest 1, no. 7 (December 11, 1988): 6.
“Walang bahay na walang butas.” Ito ang kawikaan ng dagang-dingding. Kahit na bahay na kongkreto ay puwedeng pasukin at kahit na munting butas ay puwedeng magamit na lusutan.
Ang kaisipang ito ang sanhi ng maraming korupsiyon at kaguluhan sa ating lipunan. Malubha ang ating kaisipang dagang-dingding. Sinasabing kasangkapan ito ng maliliit para maigpawan ang sariling kahinaan, para mapangibabawan ang anumang pagkasungyaw, ngunit ngayo’y lumilitaw itong kalawang sa ating pambansang kamalayan at tatak ng ating di-mapasusubaliang kawalan ng disiplina.
Magsimula tayo sa mga drayber ng jeepney na munting may masilip na puwang ay humahagibis na sisingit o lulusot; na hangga’t maaari ay hindi aalis sa isang lugar na no loading or unloading kung hindi rin lamang puno na ang kanyang sasakyan ng pasahero; na kapag nahuli naman ay walang-atubiling mag-iipit ng P5 sa lisensiya pararlamang hindi matiketan ng pulis.
Kunin naman natin ang isang ordinaryong empleyado na basta’t nakalingat ang manedyer ay makikipagdaldalan o magbabasa ng diyaryo; na tinitipid ang trabaho at hangga’t maaari’y paaabutin sa katapusan ang bagay na magagawa nang isang araw; na nakikipagkaibigan sa guwardiya para hindi markahan ang mga late at pagtakas niya sa daily time record.
Anupa’t ang kaisipang dagang-dingding ng mga tsuper ang sanhi ng katakut-takot na aksidente at pagbubuhol-buhol ng trapiko sa buong siyudad. Ang kaisipang dagang-dirigding ang sanhi ng mahinang serbisyo at palsong takbo ng makinarya ng-gobyemo.
Ito rin ang ugat ng pagdarawa at pagnanakaw. llang tao na humawak ng salapi ng bayan ang hindi kahit paano’y nang-umit? Ang iba ngang supply officer o treasurer ay hindi na matatawag na dagang-dingding dahil talagang milyon-milyon ang ibinubulsa.
Maglakad ka ng papeles at maraming dagang-dingding ang manghihingi ng kahit P5 para kumilos ang papeles mo. lkaw naman ay mag-iisip-dagang dingding din at kahit P10 pa ay gagastos para lamang makalusot ang papeles mo.
May bumabayad ng leakage para makalusot sa eksamin. May nagbabayad ng tong para mapanatili ang isang bawal na hanapbuhay. May bumibili ng boto; may nagbibili naman ng boto. May dumidikit sa kung-sinong malakas para magkakontrata. May nagreregalo ng babae o kotse para maipasok ang kargamento sa bansa. May nanghuhuwad ng resibo at dokumento para makalibre sa BIR; may ahente naman ng BIR na nagpapabayad para tulungan ang gustong makalibre sa tax.
Usisain mo ang Kongreso at baka lumitaw na walang hindi namarkahan ng kaisipang dagang-dingding. Usisain mo ang mga pulis na malaki ang tiyan at naka-stainless na jeep at malamang na napaghaharian sila ng kaisipang dagang-dingding.
Sasabihin nilang sila’y tao lamang. Idadahilang kailangan ito para mabuhay. Ngunit ito lamang naman talaga ang dahilan at rationale para manatiling isang dagang-dingding, At walang maitatayong matatag na bansa hangga’t tayo’y puro dagang-dingding.