First published in Tulay, Monthly Chinese-Filipino Digest 2, no. 5 (October 22, 1989): 8-9.
Sa aking trabaho, paminsan-minsa’y may nakakasama akong taga-ibang bansa, at tuwing may pagkakataon, sa mga pakikipag-usap ko sa kanila, paarok kong itinatanong: Ano ang masasabi nila sa Pilipino?
Madalas na nababanggit bilang positibong katangian ang pagiging masayahin at palakaibigan ng mga Pilipino. Sa mga negatibong katangian naman, madalas tukuyin ang umano’y katamaran natin.
Sabi nga ng isang Amerikanong nakausap ko kamakailan, “They don‘t seem to be in a hurry to finish anything.” Sabihin pa’y madiplomasya ang ganitong pagkakasabi. Pero karamihan ng mga nakakausap ko’y tahasang nagsasabi na ang Pilipino’y tamad.
Minsan nga’y isang babaing Taiwanes ang nagsabi na sa kanyang palagay, ang mga Pilipino’y likas na tamad.
Bagama’t masakit sa aking pandinig at damdamin ang ganitong puna, lalo pa’t alam natin na ang ganitong akala ay bunga lang naman ng limitadong pakikisalamuha sa mga Pilipino, madalas pa rin nating naitatanong sa ating sarili: tamad nga ba si Juan?
Kung tutuusin, ang isyu tungkol sa katamaran ni Juan ay hindi kahapon lang sumulpot. Noon pang panahon ng Kastila, sumulat si Rizal ng artikulo hinggil sa paksang ito, at gaya ng isang siyentipikong panlipunang may madalas na pag-unawa sa kanyang lipunan at paligid, ipinagtanggol ni Rizal ang mga kababayan laban sa paratang na sila’y mga tamad.
Sinabi ni Rizal na walang karapatan ang mga Kastila na paratangang tamad ang mga Pilipino dahil bago pa man dumating ang mga Kastila, taglay na ng mga Pilipino ang likas na kasipagan at pagkamalikhain upang magtatag ng maunlad na lipunan, pero ang pagkamalikhain at kasipagang ito ay binansot ng kolonyal na pananakop.
Ang likas sa Pilipino, kung gayon, ay ang kasipagan. Kung may umiiral mang katamaran, ito’y bunga lamang ng mga kadahilanang panlipunan at pangkasaysayan.
Kaugnay nito, nang tinatalakay naming sa klase ang artikulo ni Rizal nung ako’y nasa kolehiyo pa, isang kaklase ang nagpahayag ng pananaw na hanggang ngayo’y pinag-iisipan ko pa.
Ayon sa kaklase kong iyon, kung meron man dapat sisihin sa sinasabing katamaran ng Pilipino, ito’y walang iba kundi ang istruktura ng lipunang masyado nang malalim ang pagkakahati ng mayaman at mahirap.
Sa istrukturang ito, aniya, ang susi sa pag-asenso ng isang tao ay hindi na kasipagan. Hindi na raw uso yung kasabihang “pag may tiyaga, may nilaga.”
Gaano ka man daw kasipag, pag “minalas” kang napapanganak sa maralitang pamilya, malayong umunlad ang iyong pamumuhay.
Kung anak ka ng magsasaka’y di ka kailanman makakaahon sa lupa at may mapala ka mang nilaga’y walang iba kundi nilagang kamote.
Kung anak ka naman daw ng manggagawa’y habambuhay ka ring magpapatulo ng pawis at makatikim ka man ng nilaga’y rnalamang na nilagang talbos ng kamote.
Sa kabilang dako naman, dagdag pa ng dating kaklase ko, kung “sinuwerte” kang mapabilang sa mayamang pamilya, kakambal mo ang lahat ng pribilehiyo at mga tamang koneksiyon, at wala ka mang atupagin kundi pagpapasarap ay maginhawa pa rin ang pamumuhay mo.
Bilang kongklusiyon, sinabi ng aking kaklase: Sa ganitong di-patas na istruktura, masisisi ba natin kung maging tamad ang mahihirap, na nagkataong siyang nakararami sa ating lipunan?
Sa isang tiyak na antas ay sang-ayon ako sa mga sinabi ng dating kaklase ko. Sino nga naman ang sisipagin kung alam mong magiging premyo mo lang ay nilagang kamote o talbos ng kamote?
Gayon pa man, kung lalawakan natin ang pag-unawa sa isyung ito, maaari nating sabihin na hindi naman yata tama na masyadong bigyang-katwiran ang katamaran at lubusang balewalain ang kasipagan.
Kung tatanggapin natin nang lubus-lubusan ang pananaw na inihayag ng dati kong kaklase, hindi kaya ito’y magbigay-daan lamang sa kawalan ng pag-asa at pagsuko sa tadhana ng nakararami nating kababayan? At kapag nagkagayon, makaahon pa kaya ang ating bayan sa kumunoy ng kahirapan?
Sabi nga ng isang komentarista sa radyo na narinig natin kamakailan, sa kasalukuyang kalagayan daw ng Pilipinas, ang sinumang Pilipino, mayaman man o mahirap, ay wala nang karapatang maging tamad.
Pabiro pa niyang sinabi na kung siya raw ay lehislador, malamang ay magharap siya ng panukalang-batas na magtatadhana sa katamaran bilang krimen at magpapataw dito ng mabigat na parusa.
Ngayon, mabalik tayo sa tanong na tamad nga ba si Juan?
Bilang sagot, nais nating ibahagi ang salin sa Filipino ng tula sa Ingles na sinulat ng ating Kumpareng Go Bon Juan na lumabas sa ikatlong isyu ng Tulay.
Narito ang salin ng tulang pinamagatang “Juan Sipag:”
Sinasabi na si Juan ay tamad
Ngunit sa mga oras na tulog pa lahat
Sa mga pamilihan, ang nakikita ko’y si Juan
Mga isda at gulay, kanyang pasan-pasan.
Sinasabi na si Juan ay tamad
Nguni’t sa mga oras na trapilo’y umuusad
Sa harap ng manibela, nakikita ko’y si Juan
Mga tao’y dinadala sa opisina’t pagawaan.
Sinasabi na si Juan ay tamad
Ngunit sa mga oras na gutom na ang lahat
Nakikita ko’y si Juan, abala sa paninilbihan
Ibinubuno, walang-katapusang pinggang dapat hugasan.
Sinasabi na si Juan ay tamad
Ngunit sa mga oras na nasa bahay na ang lahat
Nakikita ko’y si Juan, sa mga amo’y naglilingkod
Nagbibigay ginhawa, nag-aalis ng pagod.
Sinasabi na si Juan ay tamad
Ngunit sa mga oras na nahimbing ka kaagad
Nakikita ko’y si Juan, sa mga diyaryo ay inihahanda
Upang bukas ng umaga, maihatid sa madla.
Sinasabi na si Juan ay tamad
Ngunit sa kanayunan hanggang mga siyudad
Nakikita ko’y si Juan, sa lahat siya’ng gumagawa
Mula tanghali, hapon, gabi, hanggang umaga.
Sinasabi na si Juan ay tamad
Ngunit ang nagsabi niyan malamang ay bulag
Sa aking mga nakita sa maghapon at magdamag
Si Juan ang nagpapakita ng lakas na walang katulad.
Sa lahat kong pagkain at mga kasuotan
Pati sasakyan at bahay na tinitirhan
Nakikita kong gumagawa’y mga kamay ni Juan.
Paano ngayon sasabihin na si Juan ay batugan?
Di dapat sabihin na tamad si Juan
Pagkat kung wala ang malaking hirap niya’t kasipagan
Wala sanang pag-unlad itong ating bayan
Lahat tayo’y mabubuhay sa dusa’t kahirapan.