Categories
Kaisa Page

Tsinong-Pilipino: Isip at damdamin

First published in Tulay Monthly 1, no. 3 (August 1988): 7

Nagsisimula nang umakyat ang Pilipinas tungo sa tugatog ng pagbabangong pang-ekonomiya. Kailangang magpasya ang pamahalaan. Hahayaan ba nito ang mga Tsino na maging kabalikat ng mga Pilipino sa pag-akyat sa tugatog na ito, o hahayaan na lang silang magmasid sa isang tabi?

Itinuturo sa atin ng kasaysayan na ang kapalaran ng mga Tsino sa Pilipinas at ang kapalaran ng mamamayang Pilipino ay lagi nang magkakahawing. Kailangang maging magkatuwang tayo sa pagsulat sa bagong kabanata ng progreso’t kasaganahan ng Pilipinas.

***

Sana, ang katawagang “mga kapatid na Pilipino” ay hindi lang katawagang masarap pakinggan, kundi katawagang may kalakip na tunay na damdamin ng pagkakapatiran.

Inaasahan natin na balang araw, kapag laganap na ang ganitong damdamin at ang tunay na pagmamahal sa Pilipinas, mas maraming kabataang Tsino ang mag-uukol ng buong panahon sa mga gawaing panlipunan.

***

Tayong mga Tsino sa Pilipinas, nagnenegosyo man o namamasukan, nasa lunsod man o nasa kanayunan, nag-aaral man o naghahanap ng trabaho ay di maiwasang makisalamuha sa mga Pilipino. Dahil dito’y kailangang magkaroon ng mabuting relasyong Pilipino-Tsino.

Kapag napagbuti ang relasyong ito, tiyak na makabubuti sa mga Tsino, nagnenegosyo man o namamasukan, nag-aaral man o naghahanap ng trabaho.

***

Sa katunayan, ang pagbibigay-diin natin sa pagpapahalaga sa produktong Pilipino, pagbebenta ng produktong Piipino at paggamit ng produktong Pilipino ay naglalayong paunlarin at palakasin ang pambansang ekonomiya ng Pilipinas.

Kailangan nating maunawaan na bilang bahagi ng pambansang ekonomiya ng Pilipinas, ang negosyo ng mga negosyanteng Tsino ay mahigpit na nakaugnay sa pambansang ekonomiyang ito.

***

Pilipinas! Gaya mo’y inang nag-aruga sa akin, Lumaki ako sa iyong piling. Hindi mo dugo ang nananalaytay sa aking katawan, nguni’t ito’y hindi mahalaga.

Ang mahalaga’y mayroon akong pusong nagmamahal sa iyo, gaya ng mga kapatid kong Pilipino. Mahal ko ang Pilipinas. Di ako nakakalimot sa utang na loob.

***

Sinasabing sa pag-inom ng tubig, di dapat kalimutan ang bukal na pinanggalingan ng tubig. Sa pag-inom natin sa “tubig” ng Pilipinas, di ba’t nararapat lamang na huwag nating kalimutan ang Pilipinas na siyang “bukal” ng tubig na ito?

At kung sa pag-inom natin ng tubig ay kinalimutan natin ang bukal, di ba’t lumalabas na tayo’y walang utang na loob?

***

Sa pagnenegosyo ng mga Tsino sa Pilipinas, hindi ang perang kikitahin lamang ang dapat isipin. Kailangang isaalang-alang din ang kapakanan ng pambansang ekonomiya.

Ang anumang industriya o komersiyong makapagpapaunlad sa pambansang ekonomiya ng Pilipinas, hindi lang maaari nating isagawa, manapa’y dapat nating isagawa nang masigasig. Ang anumang industriya o komersiyong makasisira sa pambansang ekonomiya, kahit tiyak na pagkakakitahan, ay di nararapat gawin. Sa anumang gawaing pang-ekonomiya, kailangang gawing batayan ang kapakanan ng mamamayang Pilipino.

***

Ang Pilipinas ay isang mayaman nguni’t naghihirap na bansa, Sa pamamagitan ng taglay nitong likas na kayamanan, may kakayahan itong maging tunay mamayamang bansa.

Kailan kaya mangyayari na ang mamamayang Pilipinong matagal nang naghihirap ay hindi na maghihirap? Kailan kaya mangyayari na ang mayaman nguni’t naghihirap na bansang ito ay magiging tunay na mayamang bansa, isang matatag na bansang ang mamamaya’y nabubuhay nang masagana?

Tayo’y umaasa at tayo’y naniniwala, na ito’y mangyayari balang araw. Bilang bahagi ng mamamayang Pilipino, tayo’y may tungkuling mag-ambag ng ating lakas tungo sa mithiing ito. (Sinipi at isinalin mula sa mga arikulong lumabas sa Asimilasyon, ang lingguhang pahayagan sa wikang Tsino ng Kaisa Para Sa Kaunlaran,)