First published in Tulay Monthly, Chinese-Filipino Digest 2, no. 7 (December 24, 1989): 9.
Maraming taon ang nakaraan, isang awitin ang aking narinig na labis kong naibigan. Higit kaysa sa himig, ang tumimo sa aking isipan ay ang mensaheng dulot ng awitin: “Everybody wants to find the blue bird,” paulit-ulit na sinasabi sa awitin. Sa awit, ang blue bird ibong asul ay simbolo ng kaligayahan.
Ang lahat ay naghahanap sa ibong asul. Ang lahat ay naghahangad ng kaligayahan. Hindi nga ba?
Nabalik sa alaala ang awiting ito matapos dumalo sa talakayan hinggil sa tinatawag na values awareness o pagpapahalaga noong huling Linggo ng Nobyembre (1989) sa opisina ng Kaisa.
Pinangunahan ng eksperto sa paksang ito na si Gng. Erlinda Samonte, ang talakayan ay nagbigay-daan upang higit na matamo ng mga kasapi ng Kaisa ang kanilang pagpapahalaga sa mga bagay-bagay at pangyayari sa kanilang buhayat sa kanilang paligid, at kasabay nito’y higit nilang makilala ang kanilang sarili.
Sa pagsagot sa tanong hinggil sa mga pinakamimithi sa kasalukuyan at sa isang bagay na gagawin ang lahat upang makamtan, bagama’t nangingibabaw ang kapakanan ng pamilya at pag-asensong pampinansiya, isa sa mga nangungunang kasagutan ay ang pagkakamit ng tinatawag na kaligayahan.
Kung tututusin, isa nang pangkaraniwang kaalaman na para sa maraming tao, ang pagkakamit ng kaligayahan ay isa mga pinakamahalaga, kundi man siya nang pinakamahalagang bagay.
Hindi ba’t sa ating pagbati sa ating kapwa sa anumang okasyon, lagi na’y kaakibat ang katagang kaligayahan? Maligayang kaarawan, maligayang pagtatapos, maligayang pagpapakasal, maligayang paglalakbay, maligayang anibersaryo, maligayang pasko, maligayang bagong taon, at kung ano-ano pa.
Maaari rn nating ilaban ng pustahan na sa ating pagdalo sa lamayan o libing ng ating mga kamag-anak, kaibigan at iba pang taong malapit sa atin, ating ipinapanalangin na sana’y maging maligaya sila sa tinatawag na kabilang buhay, kung mayroon ngang kabilang buhay.
Nguni’t, ano nga ba ang kaligayahan? Papaano ito sinusukat? Papaano masasabi ng isang tao na siya ay maligaya na?
lsang kaibigan ang minsa’y nagsabi sa akin na ang isang tao ay maligaya kung siya ay matagumpay. Pero nang itanong ko sa kanya kung ano ang tinatawag na tagumpay at kung papaano ito sinusukat, siya ay nag-isip nang malalim at medyo napakamot sa ulo.
Ano pa’t kung tutuusin, ang konsepto ng kaligayahan at tagumpay ay may pagka-abstrakto at mahirap bigyan ng kongkretong depinisyon o pakahulugan.
Para sa iba’t ibang tao na may iba’t ibang edad, katayuan sa buhay, antas ng kamulatan at pinag-aralan, hilig at mithiin, ang kaligayahan at tagumpay ay nagkakaroon ng iba’t ibang hugis, kulay at kahulugan.
Kung may mga taong sinasabing “mababaw” ang kaligayahan, may mga tao rin sigurong “malalim” ang kaligayahan. Kung may mga laong simple ang kaligayahan, may mga tao ring masalimuot o kumplikado ang kaligayahan.
Para sa anak kong magtatatlong taon na sa susunod na kaarawan ng dating Unang Ginang, halimbawa, ang kaligayahan ay waring kasingkahulugan ng kendi, laruan, bagong damit at sapatos, Coca-Cola, Jollibee hamburger, siao-lung-pao (mini-siopao), pagbibilad sa araw kung umaga at pagtingala sa buwan o mga bituin kung gabi.
Ang pamamasyal sa labas tuwing araw ng Linggo, sabihin pa, ay malaking kaligayahan na para sa kanya. At ako na kanyang ama ay maligaya na rin kapag nakikitang maligaya siya. Kay babaw ng aming kaligayahan, maari ninyong sabihin!
Para naman sa kapitbahay naming binatilyo na nangangarap maging pangalawang Freddie Aguilar, ang kaligayahan ay maghapong (kung minsa’y halos magdamag) pagkalampag sa gitara at pagkanta nang medyo sintunado. Maligaya siya dahil nasusunod niya ang hilig niya.
Sa talakayan sa Kaisa, isang kasapi ang pabirong nagsabi na tatlong bagay lang ang kailangan niya upang lumigaya. Ang una‘y pera, ang ikalawa’y salapi, at ang ikatlo nama’y kuwarta. At kung meron mang pang-apat na makapagpapaligaya sa kanya, ito’y walang iba kundi money.
Para naman sa isang kakilala kong intelektuwal (daw), ang kaligayahan ay pagbabasa ng mga librong mahirap maintindihan, panunuod ng mga sine at dulang kumukulta sa utak, upang pagkatapos ay makasagap siya ng mga ideyang tanging ang mga “intelektuwal” na gaya lamang niya ang nakakaintindi. Ito siguro ang sinasabing “malalim” ang kaligayahan.
Para sa ilang kasapi ng Kaisa, ang kaligayahan ay walang-sawang pagtulong sa mga batang biktima ng malnutrisyon at mga maralitang pasyente sa PGH. Minsa’y narinig kong sinabi ng isa sa kanila na makita lamang niyang naglalakad na ang batang dati’y hindi makatayo dahil sa labis na kahinaan, maligaya na siya kahit papaano.
Para naman sa isa pang kakilala ko na may marubdob na ideyalismo at matayog na mithiin para sa bayan, maligaya siya kapag mayroon siyang nagagawa para sa lipunan, kapag nakikita niyang naisusulong ang hustisya o katarungan, at kapag nakikita niyang nananaig ang kabutihan sa kasamaan.
Ano pa’t para nga sa iba-ibang tao, ang kaligayahan ay may iba‘t ibang kahulugan at pinagmumulan. Ito’y maaring ispiritwal, materyal o intelektuwal.
lkaw, kaibigan, maligaya ka ba? Sa ano ka lumiligaya? Paano ka lumiligaya?
Ako? Hanggang ngayo’y mailap pa rin sa akin ang ibong asul, at hindi ko pa natatagpuan ang tunay na kaligayahan. Pero sinong pilosopo nga ba ang nagsabi na imposible talagang makamit ang tunay na kaligayahan, at ang maari lang nating matamo’y mga sandali ng kaligayahan.
Kung gayon, sasamantalahin ko na lang ang pagkakataong ito upang batiin ang lahat ng mga maliligayang sandali sa mga nalalabing araw ng taong kasalukuyan… maligayang pamamahinga, maligayang paglalakwatsa, maligayang pagkain, maligayang pagtulog, maligayang pagbabasa, maligayang pagmumuni-muni at pagsusuri sa sarili, at higit sa lahat, maligayang paghahanda para sa pakikitalad sa mga pagsubok ng buhay sa papasok na bagong taon!