First published in Tulay Monthly, Chinese-Filipino Digest 2, no. 6 (November 19, 1989): 7, 11.
Kamakailan, habang sakay ng pampasaherong dyip, isang nakatutuwang palabas ang aking nasaksihan. Tumatakbo noon ang sasakyan sa isang kalyeng mistulang munting smokey mountain dahil sa mga nakatambak na basurang sabihin pa‘y naghahatid ng di nakawiwiling amoy sa ilong ng mga nagdaraan, pasahero man o naglalakad.
Isang babaing pusturang-pustura ang marahil ay hindi nakatiis sa masamang amoy. Pagkatapos ireklamo ang aniya’y kainutilan ng pamahalaan sa pagsasagawa ng mga simpleng serbisyo publiko gaya ng paghakot ng basura, ikinumpara niya ang karumihan ng ating paligid sa kaIinisan ng mga lugar sa ibang bansa na kanyang napuntahan.
Sa dinadami daw ng lugar na narating niya, wala pa siyang nakikitang kasindumi at kasimbaho ng paligid natin. At sa himig na may bahid paghahambog, inisa-isa niya ang mga bayang narating niya na.
Sa hinahaba ng monologo ng babae ay wala namang nakaisip sumabad sa kanya. Lahat ng pasahero‘y nakuntento sa pakikinig sa kanyang mga sinasabi.
Pero nang siya’y bumaba, isang lalaking nakaupo sa tabi ng tsuper ang marahil ay hindi nakatiis sa may bahid panlalait at pang-uuyam na pagpintas ng babaing pusturyosa sa ating paligid.
Wari’y nasaktan sa mga sinabi ng babae, bumirada ng ganting-monologo ang lalaking biglang nagkalakas-loob magsalita nang makitang bumaba na ang babaing “kulang ang pagmamahal sa sariling bayan.”
Akala mo kung sino ang babaing iyon, sabi ng lalaki. Sobrang magsalita. Masyado naman daw niyang nilalait ang bayan natin. Kung tutuusin daw, hindi pa naman tayo ang pinakamabaho at pinakamaruming bansa. May mga bansa pa raw na mas mabaho at mas marumi kaysa sa atin.
Kung alin-alin ang mga bansa na mas mabaho at mas marumi kaysa sa bayan natin ay hindi naman sinabi ng lalaking “matindi ang pagmamalasakit sa sariling bayan.” Wala naman siyang ibinigay na halimbawa.
Pagkatapos marinig ang mga sinabi ng ating “tagapagtanggol,” hindi ko napigil na malibang at mangiti. Naisip ko na kung sana’y nagkalakas-loob lang na magsalita ang lalaking “matindi ang malasakit sa sariling bayan” habang nagbubuga ng apoy ang babaing “kulang ang pagmamahal sa sariling bayan,” eh di sana‘y makulay na dayalogo o debate ang napakinggan ng iba pang pasahero gaya ko sa halip na dalawang magkahiwalay na monologo.
Kahit papaano’y masakit din sa aking tenga ang pagpuna ng babaing pusturyosa sa ating paligid, paano‘y higit na nangingibabaw ang kahambugan at himig na nanlalait sa halip na tapat na pagmamalasakit sa pinatutungkulan ng pagpuna, pero hindi rin naman ako saludo sa klase ng “pagmamalasakit” na ipinakita ng ating “tagapagtanggol.”
Kahit saang anggulo tingnan, mahirap yatang lunukin ang katwirang “eh ano kung mabaho tayo, may mas mabaho pa naman sa atin ah!”
Sa halip na ikinukumpara ang ating sarili sa mga mas marumi at mas atrasado kaysa sa atin at nakukuntento sa kaalamang “hindi pa tayo ang kulelat,” hindi ba’t dapat lang na sikapin nating umangat at makapantay sa mga mas malinis at mas maunlad kaysa sa atin?
At sa puntong ito, sa aking palagay, kaysa ipaubaya ang ating tadhana sa mga pulitiko at opisyal ng gobyernong sineseryoso lang ang serbisyo publiko kapag nakokonsensiya o kaya’y malapit na ang eleksyon, makabubuting umasa din tayo sa sarili at tunay na pairalin ang tinatawag na disiplina.
Sa paminsan-minsang pagkakataon na ako’y nakapangibang-bansa, may dalawang maliliit na insidenteng aking nasaksihan na para sa aki’y kongkretong halimbawa ng disiplina at malinaw ding paliwanag kung bakit may mga bansa na halos hindi kapanipaniwala ang kalinisan ng paligid.
Una’y ang matandang lalaki sa parke na pagkatapos manigarilyo habang nakasalampak sa damuhan ay tumayo at naglakad ng mga ilampung hakbang upang itapon ang upos sa pinakamalapit na basurahan, at pagkatapos ay bumalik sa pagkakasalampak sa damuhan.
Ikalawa‘y ang sinisipung kabataang lalaking mukhang estudyante sa unibersidad na pagkatapos suminga sa napkin sa loob ng siksikang tren ay ibinulsa ang napkin sa suot na dyaket sa halip na ihulog sa sahig ng tren.
lsipin natin, kung ang mga naninirahan sa isang lugar ay may mataas na pagpapahalaga sa kalinisan ng paligid, maaari kayang maging marumi at mabaho ang isang lugar?
Bukod sa mahigipt na disiplina, siyempre pa’y hindi kailanman maaaring pairalin ang kaisipang “hindi pa naman tayo ang kulelat.” Sa alinmang larangan ng ating buhay bilang isang bansang nagsisikap makaahon mula sa kumunoy ng kahirapan at maigpawan ang di-mabilang-sa-daliring mga problema, hindi dapat masyadong panghawakan ang lumang kasabihang “huli man daw at magaling, naihahabol din.”
Kaysa nagkakandahubo sa paghabol kung tayo’y huli na, daipat siguro’y umarangkada na tayo habang maaga pa para hindi na tayo maging huli na’y kulelat pa.
Higit sa lahat, kaysa ipinapakita natin ang sting “pagmamalasaki’t” sa bayan sa pagtatakip at pagtatanggol sa ating mga kahinaa’t kapintasan, mas nararapat sigurong harapin natin ang mga kahinaa’t kapintasang ito at gawin natin ang ating magagawa sa pagpapaganda at pagpapa-unlad sa ating bayan, upang ang sinumang tao, dayuhan man o kababayan, ay hindi magkaroon ng pagkakataong ito‘y laitin o pintasan. Hindi ba?