Werpa (pangalan), isang bagong slang na bokabularyo. Ito ang kabaligtiran ng “power” sa Ingles. Ang “Werpa” ay portfolio ng mga sinulat ko para sa kursong Filipino sa Piling Larangan sa unang semestre ng ika-11 baitang.
Hindi naging madali ang pagsulat ng mga sanaysay para sa portfolio na ito. Kinailangan ko ng lakas at sikap sa paggamit ng wikang Filipino. Hindi kasi ako sanay gumamit ng wikang ito. Gayunpaman, alam kong may kapangyarihan ang Filipino bilang pamaraan ng komunikasyon at pamamagitan ng pagsulat kaya “Werpa” ang pamagat nito. Naniniwala ako na “no pain, no gain,” at sa tulong ng aming kurso, mas nalinang ko ang pagsulat sa Filipino. Ibinabahagi ko sa inyo ang tatlo sa 10 sanaysay ng “Werpa.”
Ang Katiwala: Isang maikling rebyu
Katiwala (pangngalan), isang taong nagbabantay sa isang bagay; tagapangasiwa. Ang salitang ito ay may salitang ugat na tiwala (pangngalan o pandiwa).
Ang pelikulang “Ang Katiwala” sa direksyon ni Aloy Adlawan, ay tungkol sa buhay ni Ruben (na ginampanan ng aktor na si Dennis Trillo), isang karpenterong nawalan ng trabaho sa probinsya at pumunta sa Metro Manila para magbantay ng isang lumang bahay.
Iyon pala’y bahay ng dating pangulo na si Manuel Luis Quezon. Dahil sa ang kasama lang niya ay mga lumang dokumento, libro at talumpati ni Quezon, unti-unti niyang binasa ang mga iyon at natutunan niya ang tungkol sa buhay ni Quezon.
Hindi ko gaanong nagustuhan ang sinematograpiya nito. Mabagal ang kilos ng kamera. Medyo madilim pa ang tagpuan kaya kung minsa’y hindi nakikita ang galaw ng mga tauhan.
Para sa akin, tila mabagal rin ang mga pangyayari. Pero hindi ko pa rin tinanggal ang aking atensyon sa panonood nito.
Sa loob ng dalawang oras, marami akong natutunan. Kawili-wili ang mga kaalaman na natutunan ko tungkol kay Quezon. Kahanga-hanga ang simpleng pagganap ng mga aktor. Nagustuhan ko rin ang pagtalakay sa mga isyung lipunan katulad ng korupsyon, neokolonialismo at kaguluhan sa buhay ng mga mahihirap sa siyudad at sa probinsya.
Kahit malabo ang mga huling eksena ng barilan sa loob ng lumang bahay, ang mensahe ng pelikulang ito ay malinaw pa rin.
Ang mga nangingibabaw na kaisipan sa pelikula ay nasyonalismo at pag-ibig para sa bayan. Paulit-ulit na binanggit sa pelikula ang sinabi ni Quezon: “I would rather have a country run like hell by Filipinos than a country run like heaven by the Americans, because however a bad Filipino government might be, we can always change it.”
Dapat nating protektahan at ipagmalaki ang ating pagiging Pilipino. Ang dahan-dahang pagkatuto ko sa buhay at sa pagkatao ni Quezon ay nagsibol ng aking paghanga sa kanya. Humanga rin ako nang sumaludo si Ruben sa bantayog ni Quezon. Dapat ko ring bisitahin ang Quezon Memorial Circle sa Quezon City.
Si Ruben, isang masipag at maalagang katiwala ng bahay, ay nagsisimbolo ng mga mamamayang Pilipino. Tumulad tayo kay Ruben sa pag-aalaga sa ating bansa dahil tayo ay katiwala nito. Ito dapat ay ating ipagmalaki. Tanungin natin ang ating sarili, tayo ba ay katiwala ng ating bayan?
Malayo ang mararating ng pagmamalasakit
Sa kuwentong Kasiyahan ng Isang Titser sa Baryo at Si Pingkaw, isa ang natatanging buod: ang pagmamalasakit sa kapwa.
Ang pagmamalasakit ay ang pagkakaroon ng simpatiya para sa kasawian o kalagayan ng iba. Ito ay ang pagkakaroon ng kagustuhang dalisay na makatulong. Ito rin ay isang bisa galing sa Panginoon at nawa’y magamit natin ito para sa kabutihan ng iba.
Sa Kasiyahan ng Isang Titser sa Baryo (sinulat ni Nimitr Bhumithaworn), si Kru Dej ay isang masipag na guro at siya rin ang diyanitor at principal sa kanilang eskuwela. Kahit na mahirap ang trabaho, hindi umalis si Kru Dej kasi alam niya kung ano ang kahalagahan ng edukasyon at pagtuturo sa mga bata sa kanilang probinsya. Sa Si Pingkaw (sinulat ni Isabelo S. Sobrevega), nagkasakit ang mga anak ni Pingkaw at nang nilapitan niya ang mga doktor, hindi siya tinulungan dahil sila ay mahirap. Namatay ang kanyang mga anak at siya ay nabaliw.
Sa kasalukuyan, nagiging mulat na ang mga tao sa “mental health” kasi dumarami ang mga “concerns” ng kabataan ukol rito. Bakit mahalagang magpakita tayo ng pagmamalasakit at hindi maging mapanghusga? Hindi natin alam kung ano ang pinagdadaanan ng mga tao. Ayon sa pagsasaliksik ni Dr. Ed Diener ng University of Illinois at Urbana Champaign, ang pagdanas ng kasiyahan at koneksyon sa isa’t isa ay nakatutulong sa mabilis na magpapagaling ng “mental health concerns.”
Ayon naman sa isang artikulo sa Power of Positivity website, may mga paraan kung paano magpakita ng pagmamalasakit. Maaari nating iparamdam na andiyan lang tayo para sa kanila sa paraan ng pakikinig at pagsuporta. Ang simpleng pagtanong ng “Kamusta ka na?” ay makatutulong. Importanteng malaman nila na hindi sila nag-iisa at may kumakalinga sa kanila.
Malayo ang mararating ng pagmamalasakit kahit ito ay maipakita sa maliit na paraan lamang. Huwag tayo maging duwag sa pagpapakita nito sa mga tao sa ating paligid. Huwag natin tularan ang mga doktor sa Si Pingkaw. Tularan natin si Kru Dej na nakikiramay sa kalagayan ng kanyang mga estudyante sa baryo. Bilang mga kabataan, anak at kaibigan, kung may alam tayong may pinagdadaanang “mental health concerns,” buhusan natin sila ng pagmamahal at pagmamalasakit. Kagaya ng sinabi ni Dalai Lama, hindi tayo mabubuhay kung wala ang mga ito.
Isang butil, isang patak
Sa ordinaryong araw, ang aming silid-aralan ay isang kuwartong may kisame at apat na pader. Pero noong ika-28 ng Setyembre, bumiyahe kami ng 102.2 km palabas ng Metro Manila patungong Laguna. Sa ilalim ng mainit na araw, napalibutan ng malalaking puno, at suot ang basang-pawis na damit, naging silid-aralan namin ang kalikasan.
Marami kaming pinuntahang lugar kagaya ng International Rice Research Institute (IRRI), Department of Science and Technology-Forest Products Research and Development Institute (DOST-FPRDI), Museum of Natural History at Milka Krem.
Sa lahat ng mga iyon, pinakamasaya ang oras namin sa IRRI. Una, pumunta kami sa Rice World, isang museo sa IRRI kung saan lahat ng impormasyon tungkol sa bigas ay naroon. Natutunan namin ang iba’t ibang barayti ng bigas, ang kasaysayan nito, paano ito pinapatubo, at iba pa.
Pagkatapos ay pumunta kami sa palayan! Sinubukan naming mag-araro gamit ang traktor at katulong ang kalabaw (huminto pa ito’t nagdumi). Sinubukan din naming magtanim. Masarap pala ang pakiramdam ng putik sa paa, at nakakita rin kami ng mga palaka, kuhol at butete. Masaya kami kahit pagod.
Pagkatapos ng aming field trip, napaisip ako. Kung kami ay napagod sa loob ng isang araw nang pagsasaka, paano kaya ang mga magsasaka na gumagawa nito araw-araw? May kasabihan na ang isang butil ng bigas ay katumbas ng isang patak ng pawis ng magsasaka. Ngayon ko naintindihan na ang kasabihang iyon ay totoo.
Nanghihinayang ako tuwing may nagtatapon ng pagkain o hindi inuubos ang kanin. Mukhang binabalewala ang pagkain! Kailangan ng 112 na araw para tumubo ang bigas at 10 minuto lang para kainin ito. Kung sinasayang ang bigas, parang sinasayang din lahat ng hirap at pagod ng magsasaka sa 112 na araw. Ang kabalintunaan pa rito ay ang mga taong nagtatrabaho para magpakain sa atin, sila pa ang madalas na walang pagkain. Ang ating mga magsasaka ay isa sa mga pinakamahirap na sektor sa Pilipinas. Kumplikado ang isyu na ito kasi ang trabaho nila ay naaapektuhan ng maraming sanhi katulad ng climate change, korupsyon, mahinang teknolohiya at iba pa. Isa pang kabalintunaan sa ating bayan ay mahina ang ating agrikultura kahit nasa atin ang IRRI. Malusog ang ating lupa. Marami rin tayong likas na yaman pero bakit tayo ganito? Anong nangyari?
Nais kong makahanap ng solusyon na mapakikinabangan ng mga magsasaka. Pero habang ako’y estudyante pa, sisiguraduhin kong hindi ako magsasayang ng pagkain at sasabihan ko ang mga kaibigan kong nagsasayang. Nagpapasalamat ako sa field trip. Hindi kailangang pumunta sa ibang bansa para matuto ng mga makabuluhan at bagong bagay.