Pagtutulay ang esensiya ng Kaisa. Kaya tinawag na Tulay ang pahayagan nito. Mandato rin ng Kaisa ang pambansang kaunlaran, kaya tinawag na Kaisa Para Sa Kaunlaran.
Aktibo ako sa Kaisa sa unang 20 taon nito. Masigasig din sa pagsusulat sa Tulay. Puedeng sabihing walang isyu na wala akong artikulo o salin. Hindi na ako aktibo sa huling 10 taon, hindi na rin nagsulat para sa Tulay. Pero tuloy-tuloy ang pagtutulay. Kaya hindi ako nakadalo sa ika-30 kaarawan ng Kaisa nung Agosto 27, dahil nagtulay sa Davao.
Kung iisipin ko ngayon, parang mas marami pa akong nagawang pagtutulay sa labas ng Kaisa, dahil laging dala ang diwa ng Kaisa. Ano-ano ang mas mahahalagang pagtutulay na nagawa sa nakalipas na 10 taon?
Una’y itinuloy ang pagsusulat at pagsasalin, lalo na ang pagsasalin. Nanalo ng National Book Award noong 2008 ang Lagalag sa Nanyang, salin sa Filipino ng nobelang Nanyang Piaoliuji ni Bai Ren, publikasyon ng UP Press at may suporta ni Caroline Hau, kapwa-kasapi sa Kaisa.
Tinanggap noong 2007 mula sa Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL) ang Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas, bunga ng reputasyong nabuo sa 20 taong pagsusulat at pagsasalin para sa Tulay. Nahirang na direktor ng UMPIL mula 2008, at iminungkahing ibigay din ang Gawad Balagtas sa mga manunulat sa wikang Tsino. At mula noon, walong manunulat sa Tsino na rin ang tumanggap sa Gawad, kasama si Go Bon Juan ng Kaisa, na kinilala para sa sanaysay at salin. Dalawang grupo ng mga manunulat naman sa komunidad ang tumanggap sa Gawad Pedro Bucaneg, na kasabay ng Gawad Balagtas.
Nagsalin ng marami-raming materyal para sa edisyong Filipino ng Confucius Institute Online, at ginawa ang bahaging Filipino ng Kuaile Hanyu, ang mga textbook at workbook na gagamitin ng mga paaralang publiko sa pag-aaral ng Mandarin. Proyekto ng DepEd at Confucius Institute sa Angeles University.
Binasa ang papel na ‘Scholarships and Education Projects in the Tsinoy Community’ (kasama siempre ang ‘0 to 6’ ng Kaisa) sa National Education Convention na inorganisa ng Adamson University sa Century Hotel, sa forum na idinaos ng Chinese Program ng ADMU sa Leong Hall, at sa forum ng DepEd sa National Library.
Naimbitang lumahok sa Ambagan 2014, kumperensiya para sa pagpapayaman sa wikang pambansa. Nagmungkahi ng mga salita at pariralang Tsinong dapat nang isama sa Diksiyonaryong Filipino. Nadala rin sa marami-raming forum ng DepEd at National Library at mga paaralang Tsinoy ang lektyur na inihanda para sa Ambagan. Dinala nga hanggang sa Davao, sa forum na inorganisa ng Filipino-Chinese Heritage and Cultural Society kasabay ng pagdiriwang sa ika-30 kaarawan ng Kaisa.
At ewan kung dahil ika-30 anibersaryo ng Kaisa ang 2017, naging totoong abala sa pagtutulay ngayong taon. Nakatulong sina Linette Chua sa salin sa Filipino ng Di Zi Gui, na gusto nilang ibahagi sa kabataang Pilipino. Pinapasadahan ang salin sa Ingles ni Linette sa mahabang libro tungkol kay Xi Jin Ping. Isinalin sa Filipino at inedit ang salin sa Ingles ng walong tomo ng mga kasabihan (bale mga 800 kasabihan) ni Master Hsing Yun, tagapagtatag ng Fo Guang Shan. At nagsalin ng mga piling kuwento ni Ba Jin para sa seryeng Aklat ng Bayan ng Komisyon sa Wikang Filipino at National Commission for Culture and the Arts.
Kinunsulta nina Pan Feng at Zhou Xu ng Chinese Embassy Cultural Office tungkol sa ilang proyekto, at iniugnay sila sa UMPIL at sa Komisyon ng Wikang Filipino para pag-usapan ang mga gawaing puedeng pagtulungan.
Sa gawaing pangkaunlaran, mga sampung taon nang tumutulong sa Angelo King Foundation, na ang pinakamahalagang gawain ay suporta sa kooperatiba ng mga mangingisda at magsasaka, mga ospital at eskuwelahan at NGO, at sa Gawad Kalinga at Habitat Philippines. Gumawa rin ng scholarship para sa mga estudyante ng 20 paaralang Tsinoy na pinakaproblemado sa pondo.
Siyanga pala, inimbita ako ng Chinese Embassy Cultural Office na dumalo sa International Convention on Translation and Publishing sa Beijing noong Agosto 2016. Hindi ako nagpunta. Sa halip ay inirekomenda si Linette Chua, na kasamang nagpunta ni Reynard Hing. Silang dalawa ngayon ang mahuhusay na tagasalin ng Tulay. Inirekomenda rin si Karina Bolasco ng UMPIL at Ateneo Publishing House na dumalo bilang publisher.
Ang mahahalagang gawain, kasama na ang pagtutulay, dapat na tuloy-tuloy. Kaya ang mga nagtutulay, natutuwang makakita ng mahuhusay na bagong tulay. Pagtutulay nga kasi ang esensiya ng pagiging kasapi ng Kaisa. At ang pagtutulay, dapat na tuloy-tuloy, aktibo man o hindi sa Kaisa, sumisipot man o hindi sa Kaisa. Laging dala ang diwa ng Kaisa.
Categories